NAGA CITY- Hindi dapat na makampante ang publiko kahit nakikita ang posibilidad na sa huling quarter ng taong 2022 ay hindi na mandatory ang paggamit ng facemak bilang isa sa proteksyon laban sa COVID-19.
Ito ay ayon kay Garchitorena Municipal Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) Janet Bombase matapos sabihin ni Vaccine Czar Carlito Galvez na kung patuloy ang pagbaba ng COVID-cases maaaring sa 4th quarter ng 2022 hindi na required ang facemask. Ibinahagi nito sa Brigada News FM Naga na tulad sa ibang mga bayan ang mga residente sa mga malalayong barangay at mga nasa coastal areas ay hindi na rin komportable sa paggamit nito lalo na kung nasa sariling barangay lamang.
Ayon kay Bombase, batid nila ang mga katagang “maano man ang COVID digdi satuya sa bukid?” ngunit paliwanag ni Bombase kailangan ang facemask kahit hindi pumupunta sa bayan dahil ang kanilang lugar ay isa sa mga tourist spots, ibig sabihin may ibang mga taong tumutungo sa lugar lalo na sa mga ipinagmamalaking beach resorts. May mga dumarating din na mga naghahatid ng serbisyo o di kaya ay nagnenegosyo. Bukod rito may mga paunti-unting umuuwi mula sa National Capital Region at iba pang rehiyon na may mga COVID-cases pa rin.
Alam ng MDRRM na sawang-sawa na ang publiko sa mga protocols ngayong pandemya subalit mas mainam parin ang nag-iingat at hintayin ang hudyat ng pamahalaan na hindi na mandatory ang facemask.