BNFM BICOL—Nanawagan ng kooperasyon si Daraga, Albay Public Safety Office Chief – Rene Portillo mula sa mga motorista sakanilang bayan hinggil sa pagtalima ng mga ito sa ipinasusunod na parking ordinance.
Sa isang panayam sinabi ng opisyal na hindi nagkukulang ang kanilang hanay sa pagsusumikap na magkaroon ng kaayusan ang kakalsadahan sa bayan ng Daraga sa pamamagitan ng pagtitiyak na pumaparada sa designated parking areas ang mga behikulo sa lugar.
Pakiusap nito sa mga drivers lalo na ng mga delivery trucks, na huwag aniyang tatagalan ang pagsasagawa ng kanilang operasyon sa pag de-deliver, nang sa gayon ay hindi makaantala at maging sanhi ng pagkakabuhol ng trapiko.
Binigyang diin rin nito na hindi sila magdadalawang-isip na magbigay ng citation tickets at hingan ng karampatang multa ang mga motoristang makikipag tigasan at lalabag sa mga batas trapiko.###