Nakikipag-ugnayan na ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Quezon City Police District para sa mga susunod nilang hakbang matapos ang ‘di umano’y panununtok ng isang miyembro ng MANIBELA sa radio reporter na si Val Gonzales.
Sa pahayag, sinabi ni PTFoMS executive director Usec. Paul Gutierrez na may koordinasyon na sila kay QCPD district director BGen. Redrico Maranan para rito.
Maliban kasi kay Gonzales, nalaman pa ng PTFoMS na maging ang isa pang reporter na si Allan Gatus ay nakaranas din daw ng verbal abuse.
Sabi pa ni Gutierrez, ang mga ganitong uri ng aksyon ng MANIBELA ay hindi nakatutulong para makakuha sila ng suporta para sa mga isyus at adbokasiya na kanilang ipinaglalaban.
Maaalalang sa kuwento ni Gonzales, habang nagre-report daw sila ay kinumpulan sila ng mga miyembro ng MANIBELA.
Walang ano-ano ay sinuntok daw ito nang dalawang beses sa kaniyang tagiliran.
Matapos nito, nagsalita pa raw ang mga miyembro ng MANIBELA gamit ang megaphone na bayaran ang mga media, at iba pang mapanakit na salita.
Una nang sinabi ni Gonzales na inihahanda na nito ang posibleng pagkaso sa grupo.
Susuportahan naman ng PTFoMS si Gonzales sa kaniyang mga gagawing legal action.