Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamahagi ng cash reward sa Pinoy medalists sa katatapos pa lamang ng 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ayon sa pangulo, proud at masaya siya dahil sa maraming medalya na nakuha ng mga atleta.
Ang gobyerno sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission ay namigay ng halos P52 milyon na monetary incentives batay sa itinatadhana ng batas, kabilang ang P35 milyon para sa 52 ginto, 70 pilak at 104 tanso na nakolekta ng mga atletang Pilipino sa SEA Games.
Bukod sa 258 medalists, may kabuuang 62 coaches din ang nakatanggap ng kanilang cash bonuses kasama ang mga medalist na nagmumula sa 37 sa 38 sports kung saan nilahukan ang Team Philippines.
Una nang sinabi ni Sen. Bong Go na may ibinigay din si Pangulong Duterte na cash reward na hiwalay sa nakasaad sa batas subalit hindi naman nito binanggit kung magkano.
