Naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa unilateral na pagpataw ng China ng tatlong buwan na fishing ban sa South China Sea na sumasakop sa ilang parte ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Sa isang diplomatic note na may petsang Mayo 30, ipinarating ng DFA ang protesta nito sa moratorium, na tatakbo mula Mayo 1 hanggang Agosto 16, at sumasaklaw sa mga lugar sa West Philippine Sea kung saan ang Pilipinas ay may “sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction.”
Sinabi nito na ang pagbabawal ay hindi nag-e-exempt sa mga lugar sa loob ng EEZ ng Pilipinas at hindi rin nililimitahan nito ang mga sasakyang pandagat ng China.
Ang taunang fishing ban tuwing tag-araw ng China ay sumasaklaw sa mga tubig hanggang sa ika-12 parallel ng South China Sea, kabilang ang Paracel Islands malapit sa Vietnam at Panatag (Scarborough) Shoal malapit sa Pilipinas.