Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatibay ng 10-point policy agenda para mapabilis at mapanatili ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa Executive Order No. 166 na nilagdaan ng Pangulo noong Marso 21, kabilang sa 10-point policy agenda ay ang pagpapalakas sa kapasidad ng healthcare capacity, pabilisin at palawakin ang programa ng pagbabakuna, muling buksan ang ekonomiya at palawakin ang kapasidad ng pampublikong sasakyan.

Kasama din dito ang pagpapatuloy ng face-to-face learning, bawasan ang mga paghihigpit sa domestic travel at gawing standard ang mga kinakailangan ng mga LGUs.
Nakasaad din sa EO na dapat magkaroon ng relax requirements para sa international travel, pabilisin ang digital transformation sa pamamagitan ng mga legislative measures, gumawa ng mga pina-igting na flexible emergency measures sa pamamagitan ng legislation.
Dapat din umanong ilipat ang focus ng paggawa ng desisyon at pag-uulat ng pamahalaan sa mas kapaki-pakinabang at empowering metrics, at magkaroon ng medium-term preparation para sa pandemic resilience.
Sa ilalim ng kautusan, ang lahat ng departamento, kawanihan, opisina, ahensya at instrumentalidad ng gobyerno ay inaatasang tiyakin na ang mga patakaran, hakbang, at programa ay naaayon sa nasabing mga prinsipyo habang hinihikayat ang mga LGU na gawin din ito.
Pinatitiyak naman sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at ng National Task Force Against COVID-19 na maipapatupad ang naturang agenda.