Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Audit na mabigyan ang mga opisyal ng gobyerno nang karagdagang oras sa pag-aasikaso ng mga papeles ng malalaking government projects bago ito isailalim sa audit.
Inihayag ito ng Pangulo sa isang recorded Cabinet meeting matapos maiulat ng state auditors ang tungkol sa mga kakulangan ng Department of Health sa paghawak sa mahigit P67-billion na halaga ng COVID-19 funds.

Sinabi ng Pangulo na nadudungisan ang imahe ng mga ahensya ng gobyerno kapag inilalabas nila ang mga audit sa media kahit hindi pa talaga tapos ang proyekto.
Una nang ipinaliwanag ng Punong Ehekutibo na matagal na siya sa gobyerno, at maging siya noon ay nakaranas rin ng problema sa COA na umabot pa sa Korte Suprema.
Binigyang diin naman ng Pangulo na walang kinalaman sa pagnanakaw ang salitang “deficiency” na ginamit ng COA sa audit report nito sa DOH.