Hindi pa matiyak ng Palasyo ang magiging ugnayan ng Pilipinas sa Afghanistan na nasa ilalim na ng rehimen ng Taliban.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa larangan ng international law, ay hindi element ng statehood ang recognition.
Ipinaliwanag ni Roque na ang recognition ay deklarasyon lamang na mayroon pang estado ang isang bansa habang nagsisilbi rin ito bilang mensahe na nanatili pa rin ang bilateral relations.

Matatandaan na ipinalabas ng media outlet na Al Jazeera ang isang footage kung saan ay makikita ang mga Taliban commanders sa loob ng presidential palace, kasa-kasama ang maraming armadong indibidwal.
Inihayag naman ng Taliban na magiging malinaw ang bagong rehimen ng Afghanistan sa mga darating na araw, at sinabi na ayaw nilang mamuhay ng naka-isolate sa buong mundo.
Nanawagan rin sila ng mapayapang international relations.