Isiniwalat ng Pangulo na sinubukan na ni Health Secretary Francisco Duque na magbitiw sa pwesto ng dalawang beses.
Iginiit ng Pangulo na hindi dapat magbitiw ang kalihim sa pwesto dahil wala naman itong mali na ginagawa.
Tiniyak ng Punong Ehekutibo na hindi niya hahayaan na meron sa kaniyang Cabinet members ang madadawit sa pagnanakaw.
Inihayag ito ng Pangulo matapos ang pag-flag ng COA sa mahigit P63-billion na pondo ng Department of Health para sa COVID-19 response dahil sa “deficiencies”

Pinayuhan naman ng Pangulo ang DOH na kung gusto nito ay ibalik na lang nila ang pera sa treasury upang iba na lang ang magpatakbo ng mga proyekto kung napapasama lang ang kanilang imahe.
Iprenesenta naman ni Undersecretary Leopoldo Vega sa recorded Cabinet briefing ang naging tugon ng Department of Health sa mga obserbasyon ng COA.
Ipinunto niya kagabi na mula sa 13 deficiencies na binanggit ng COA, ay naresolba na ang lima, partially resolved naman ang tatlo, habang patuloy na pinoproseso ang limang iba pa.