Pinai-inhibit na rin ng Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors si Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 Judge Abraham Joseph Alcantara sa pagdinig sa natitirang drug case laban kay dating senadora Leila de Lima.
Sa walong pahinang mosyon ng mga prosecutors – idiniin nilang ang pag-alis ni Judge Alcantara sa pagdinig sa kaso ay ang makapagsisigurong mabibigyan ng patas na pagdinig ang kaso.

Si Alcantara kasi ang unang naglabas ng desisyon kung saan ay inabsuwelto niya si de Lima sa 2nd drug case matapso ang recantation ni dating Bureau of Corrections chief Rafael Ragos.
Maaalalang una nang na-raffle ang kaso kay Alcantara mula kay Branch 256 Judge Romeo Buenaventura dahil, siya naman ay naging abugado noon ni Cong. Reynaldo Umali.
Si Umali ang dating chairperson ng House Justice Committee na duminig sa kaso ni de Lima sa Kamara.
Samantala, sa isang pulong balitaan naman, sinabi ni Justice Sec. Boying Remulla na hindi na nila pakikialaman ang prosekyuson at Korte sa gagawing pagdinig sa natitirang drug case ni de Lima.
Aniya, mayroon na silang sariling volition at hahayaan na lang nilang gumulong ang imbestigasyon at hearing.