CAMARINES SUR – Isinagawa na nitong nakalipas na linggo ang Project Consultation para sa nakaplanong pagtatayo ng Tourism Center sa Partido Area. Pinangunahan ito ni Dr. Ricky Laureta, ang Dean ng Partido State University – San Jose Campus, at dinaluhan naman ng ilang Municipal Tourism Officer, Chairpersons ng Sangguniang Bayan Committee on Tourism at ilang indibidwal mula naman sa College of Tourism Management ng PSU.
Ayon kay Laureta, ang hakbang na ito ay mas magpapalakas hindi lamang sa tourism industry ng distrito kundi pati na ng ekonomiya ng mga sakop nitong bayan. Kung kaya’t inilatag at pinag-usapan na rin sa nasabing pagtitipon ang mga posibleng programa at magiging epekto nito, katuwang ang mga polisiya ng bawat bayan.
Sa ngayon, umaasa ang dekano na itutulak ng mga lider ng bawat bayan sa Partido Area ang pagsasakatuparan sa nasabing proyekto lalo pa at ang ikaapat na distrito ng Camarines Sur ay kilala rin sa mga magagandang pasyalan mula sa mga hot spring, white beach, hanggang sa mga berdeng kabundukan. Kasama na rin ang iba’t-ibang putahe ng pagkain, makulay at makahulugang pagdiriwang ng pyesta, paniniwala at tradisyon.