Tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mapananagot at makakasuhan ang mga nasa likod ng ‘di umano’y ‘falsified’ death certificates ng ilang mga suspek sa kampanya laban sa iligal na droga ng Gobyerno.
Ito ay makaraang ibunyag ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun na mayroon itong inautopsy na bangkay na napatay dahil sa mga tama ng bala – taliwas sa idineklarang cause of death nito na atake sa puso.
Ayon kay Fortun, pito sa 46 na mga labing kanyang inautopsy ay iniulat na nasawi dulot ng natural causes gaya ng sepsis, atake sa uso, pneumonia, hypertension at stroke.
Mayroon umanong 28 na may mga gunshot wounds, habang 11 namang mga labi ang walang nakasulat na cause of death.
Posible aniyang mayroong mga doktor na itinataya ang kanilang propesyon at lisensya para lamang pekeen ang mga death certificate.
Ayon kay Guevarra, paiimbestigahan nito ang naging findings ni Dr. Fortun bilang bahagi ng nagpapatuloy nilang ‘review’ sa mga kaso kung saan napapatay ang mga suspek sa anti-illegal drug operations ng mga otoridad.
Samantala, kanina sa pulong balitaan ng Pambansang Pulisya, sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo na kinakailangan ding magkaroon ng validation mula sa kanilang hanay.
Makasisiguro umano ang publiko na kaagad din silang magkakasa ng imbestigasyon sakali mang may makitang iregularidad sa mga nabatid na operasyon.
#