Nagsasagawa na ng hot pursuit operations ang Police Regional Office -9 sa apat na armadong suspek na dumukot sa isang American national sa Sitio Tungawan, Brgy Poblacion, Sibuco, Zamboanga del Norte kagabi.
Inalarma na rin ang ang pwersa ng Sibuco Municipal Police Station, Marines at Provincial Mobile Force Company para sa paghahanap sa mga suspek.
Ayon sa inisyal na ulat ng PNP , pinasok ng mga armadong lalaki ang pamamahay ng biktima sa nasabing lugar bandang alas 11:00 kagabi.
Sinubukan pa umano ng dayuhan na tumakas ngunit nagtamo ito ng sugat sa kanyang binti matapos barilin ng mga armadong lalaki gamit ang M16 Rifle.
Pagkatapos nito ay isinakay ang biktima sa isang bangka patungo sa direksyon ng Basilan at Sulu.
Hinihimok ng pulisya ang sinumang may impormasyon sa insidente na makipag-ugnayan sa kanila kasabay nang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga ito.