Nananatiling malaking problema at pagsubok sa mga pribadong ospital sa bansa ang kakulangan sa mga healthcare workers.
Sa isang panayam, sinabi ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) president Dr. Jose Rene de Grano na handa naman sila kung sakaling tumaas muli ang mga kaso ng covid-19 ngunit ang tangi nilang problema ay ang kakulangan sa mga medical workers partikular ang nurse.
Ayon kay Dr. de Grano marami pa rin sa healthcare worker na umaalis sa pribadong ospital, at lumilipat sa public hospital o kaya nama’y nangingibang bansa.
Iginiit niya na hanggang sa ngayon ay ramdam na ramdam ang medical worker shortage sa mga pribadong ospital.
Mababatid na una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na aabot sa 106,000 na mga nurse ang kulang ngayon sa bansa bukod pa rito ang 67,000 na physicians; 6,000 na pharmacists; at 5,500 na radiologic technologists.
#
Grupo ng mga nurses, nanindigang malaki pa rin ang utang na benepisyo sa mga nurses sa bansa; Sahod ng mga nurses, dapat umanong unahin kaysa magpatupad ng deployment cap
Nanindigan ang Filipino Nurses United na malaki pa rin ang utang ng pamahalaan sa mga nurses sa bansa gaya ng hindi naibibigay na ONE COVID Allowance.
Sinabi ni FNU Vice President Eleanor Nolasco na base sa kanilang survey, 40% ng mga nurses pa lang ang nakatanggap ng COVID allowance pero para lamang ito sa buwan ng Enero ngayong taom kaya malaki pa rin ang utang ng gobyerno sa kanilang hanay.
Giit ni Nolasco, hiling ng mga healthcare workers sa bansa na maitaas ang kanilang sahod sa lebel na nakakabuhay ng pamilya at mga benepisyong nakamandato na dapat ibigay ng pamahalaan.
Samantala, tinututulan ng mga nurses ang deployment cap at hanggat hindi naibibigay ang tamang sahod at benepisyo para sa kanila ay hindi sila dapat na pigilan na makahanap ng mas magandang trabaho sa ibang bansa.
Dagdag pa ni Nolasco na dapat na ding amyendahan ang Magna Carta for Public Health Workers dahil 1990’s pa aniya ito nabuo kung saan iba ang kondisyon ng buhay at hindi na angkop sa pangangailangan ng mga healthcare workers ang mga benepisyong nakasaad dito.
#


