Labing-siyam na priority measures ang nakatakdang ipabilang sa Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, natalakay sa pulong nila ni Senate President Chiz Escudero ang prioritization ng legislative measures para sa adjournments sa Oktubre at Disyembre ngayong taon.
Pinag-usapan din aniya ang priority measures noong nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos at ang Common Legislative Agenda o CLA.
Limampu’t anim mula sa limampu’t siyam na panukala na tinukoy sa CLA ang naaprubahan na ng kamara habang ikinokonsidera pa ang amiyenda sa EPIRA Law, National Defense Act at Budget Modernization Bill.
Nagtitiwala umano ang House Speaker sa liderato ni Escudero at kumpiyansang mapapabilis ang legislative process at agad na mararamdaman ng taumbayan ang pakinabang ng mga ito nang walang antala.
Dagdag pa ni Romualdez, ang kanilang naging pulong ay simbolo ng pagkakaisa at kolaborasyon sa pagitan ng dalawang Kapulungan tungo sa epektibong pagharap sa mga hamon at pagtutulungan para maabot ang magandang kinabukasan.
Ipinunto nito na ang kauna-unahang pulong ay nagsisilbing preliminary sa isasagawang full LEDAC meeting sa June 25.