SORSOGON CITY – Hindi muna pinayagang makauwi ang dalawang evacuees na lumikas bunsod ng pag-alburuto ng Bulkang Bulusan dahil sa naramdaman ng mga itong sipon at lagnat.
Ito ay sa gitna ng ipinatupad na decampment o pagpapauwi na kahapon sa mga residenteng lumikas sa Juban, Sorsogon.
Sa panayam ng Brigada News FM kay Dr. Gladys Escote, Sorsogon Provincial DOH Officer, ang dalawang nabanggit na evacuees ay naging close contact umano ng isa pang evacuee na una nang nagpositibo sa antigen test.
Kasalukuyanng naka isolate ang nasabing primary contact sa Sorsogon Provincial Hospital at naghihintay ng resulta ng kanyang RT-PCR test.
Sakali umanong mag negatibo ito ay hindi na rin isasalang sa kaparehong test ang dalawang evacuee na naka-isolate ngayon sa bayan ng Juban.
Inaasahang ngayong araw o bukas ay mailalabas ang resulta ng RT-PCR test ng nasabing indibidwal.###
