CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na tumaas ang presyo ng basic at prime commodities dahil sa mistulang walang prenong pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Batay ito sa inilabas na Suggested Retail Price (SRP) ng ahensiya noong May 11, 2022.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Alvin Sayno, Consumer Protection Division Head ng DTI Camarines Norte, sinabi nito na 82 produkto sa 218 Shelf Keeping Units ay nagkaroon ng price adjustments.
Kung pagbabasehan umano ang SRP noong Enero 27 nitong taon, lumalabas na halos anim na porsiento ang itinaas sa presyo ng mga basic necessities at hanggang pitong porsiento naman sa presyo ng prime commodities.
Kabilang sa mga produktong karaniwang binibili ng mga consumer na nakapagtala ng pagtaas ay ang canned sardines, powdered milk, noodles, kape, asin, processed canned meat and canned beef, condiments, laundry/detergent soap, toilet soap at baterya.
Paliwanag ni Sayno na ang pinakadahilan nito ay ang patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo dahilan upang tumaas din ang raw materials, production coast at iba pa.
“Ito po ay attributable dun sa mga pagtaas ng presyo ng raw materials, packaging materials, production cost and other logistical coast, including po yung mga transportation of goods from the manufacturer to the market, so yun po mainly nakaapekto kasi sabi nga po natin ang pagtaas po ng presyo ng bilihin ay directly proportional po sa mga malalaking factors gaya po ng pagtaas po ng presyo ng gasolina yan po, ah usually po napakalaking epekto niyan ng nararanasan natin na pagtaas ng presyo ng gasolina noon pa pong first quarter of this year,” ani Sayno.
Kung magtutuloy- tuloy umano ang pagtaas ng mga produktong petrolyo ay posibleng tumaas pa lalo ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
“In the coming months kung patuloy pa rin po ang pagtaas ng presyo ng gasolina at krudo sa merkado, aasahan pa rin po natin siguro na tuloy- tuloy pa rin ang magiging pagtaas ng presyo ng bilihin, but we cannot say unless po na makapaglabas uli ng bagong SRP ang DTI po.”
