CAMARINES NORTE – Sinimulan na ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang kanilang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Sa isinagawang Press Conference kahapon inilatag ni Mariz Bernardo, Diocesan Lay Coordinator ng PCCRV ang kanilang mga ginagawang paghahanda tulad ng paghananap ng mga volunteer.
Aniya kung noong nakaraang National and Local Elections ay mayroon silang mahigit 5, 000 volunteers sa buong lalawigan ngayon umano ay marami ang nabawas dahil ang iba ay pumalaot na rin sa pulitika at kumandidato.
Bukod dito, nahihirapan din umano silang maghanap ng volunteer dahil wala silang maibigay na honorarium.
Umaasa lang daw kasi ang PPCRV sa ibibigay ng mga parokya at wala talaga itong sariling pondo.
Gayunman tiniyak ni Bernardo na pagdating ng eleksyon ay magpapakalat pa rin sila ng mga volunteer sa mga presinto na magsisilbing poll watcher at aalalay sa mga botante lalo na sa senior citizens, buntis, Persons with Disability maging sa mga Person Deprived of Liberty o PDL.
Magsisilbing prayer warrior din aniya ang PPCRV para ipagdasal ang isang malinis at mapayapang halalan.
Ang PPCRV ang accredited citizens arm ng Commission on Elections.
