Mahigpit na pinapaalalahanan ng Public Order and Safety Division Cauayan City ang mga mamamayan kaugnay sa mga ipinagbabawal na dalhin at gawin kasabay ng pagdalaw sa puntod ng mga yumaong kaanak ngayong panahon ng Undas.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na bawal ang magdala ng nakalalasing na inumin, patalim, baril, sound speaker o videoke sa loob ng sementeryo.
Anya, ipinagbabawal din ang magpicnic at hindi rin papayagang makapasok sa mga sementeryo ang mga edad 17-anyos pababa at 65-anyos pataas bilang pag-iingat pa rin kontra COVID-19.
Sinabi pa ni Chief Malillin na kailangang nakasuot ng face mask at face shield ang mga dadalaw sa puntod ng kanilang kaanak.
Nagbabala pa itong mapipilitan silang kunin ang mga lalabag at dalhin sa quarantine area upang isailalim sa antigen testing.
Kaugnay nito ay kasalukuyan na aniya silang nagroronda sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa lunsod upang tingnan kung nasusunod ang mga health protocols.
Ayon pa sa kaniya, mas maiging magtungo na ang mga mamamayan sa mga sementeryo habang hingi pa ipinapatupad ang temporary closure na magsisimula sa October 29 hanggang November 4 dahil hindi aniya sila magpapapasok sa mga nabanggit na petsa.
Samantala, katuwang din ng POSD ang mga barangay official sa pagbabantay sa mga sementeryo sa kani-kaniyang nasasakupan upang masigurong nasusunod ang mga panuntunan.