Umabot na sa 3, 685,744 ang populasyon ng Lambak ng Cagayan mula May 1, 2020 batay sa Census of Population and Housing (CPH) kung saan nasa 3.8% ito mula sa populasyon ng bansa.
Batay sa inilabas na datos ng Commission on Population Region 2, nadagdagan ng 6.4% o katumbas ng 234, 334 ang populasyon ng rehiyon mula sa dating 3.4 milyon.
Mula sa mga probinsya sa rehiyon, ang Batanes ang nakapagtala ng pinakamataas na population growth rate na 1.15 mula sa dating 0.72 noong 2015.
Nangangahulugang umakyat sa 18, 246 ang populasyon ng Batanes mula sa dating 17, 246 noong 2015.
Napansin naman na mayroong pagbaba sa PGR ng Cagayan mula 1.23 noong 2015 at 1.19 noong 2020 kung saan ang munisipalidad ng Peñablanca ang nakitaang may pagbaba ng populasyon.
Habang ang Dinapigue, Isabela naman ay nakitaan ng pagtaas ng PGR sa buong rehiyon na may 4.45.
Inihayag naman ni POPCOM Region 2 Director Herita Macarubbo na malaking factor umano ang Balik Probinsya Program sa pagtaas ng populasyon sa rehiyon.
Aniya, ang pagtaas at pagbaba ng populasyon sa mga probinsya ay resulta lamang ng epektibong population program intervention ng POPCOM Region 2 at suporta ng mga LGU sa family planning program.