Wi-nelcome ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang mungkahing pagpo-post ng mga Certificates of Candidacy (COCs) ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa panayam ng Brigada News FM kay NAMFREL National Chair Lito Averia, sinabi nitong noon pa man ay inirerekomenda na nila ang paglalagay ng COCs online para maipresenta ito sa mga botante.
Sabi ni Averia – para raw kasi itong paga-apply sa trabaho kung saan ay kailangan na munang i-check ang qualifications ng isang applicant.
Sa pagkakataong ito – parang tayo raw ang mga kumpanya o hiring managers, dahil titingnan natin kung karapat-dapat ba ang isang aplikante, ‘o kandidato.
Maganda rin daw itong gawin para mailayo ang mga tao sa personality politics.
Maiiwasan kasi aniya ang pagkapanalo ng isang kandidato nang dahil lang sa kaniyang kasikatan, at hindi dahil sa kaniyang mga napatunayan, ‘o mga kayang gawin.
Sa huli iginiit nito na kakayahan sa pamumuno ng mga kandidato ang dapat tutukan ng publiko.