Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi sila tutol sa ‘free speech’ sa halip ay nangangamba lamang sila sa posibilidad na makisali sa mga magsasagawa ng rally ang mga makakaliwang grupo sa araw ng inagurasyon ni President elect Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay PNP director for operations Police Major General Valeriano de Leon, ang naturang pahayag ay sagot nila sa mga akusasyon ng ilang aktibista na sinasabing masyado raw kinokontrol ng mga pulis ang pagsasagawa ng rally o kilos protesta.
Mababatid na pinuna ng mga activist groups ang pahayag ni acting police chief Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na saka lamang daw papayagan ang mga kilos protesta kung ang isisigaw ng mga raliyista ay ‘mabuhay’ para kay President-elect Marcos.
Sinabi ni De Leon na wala naman silang problema sa pagpunang ito ng mga aktibista dahil mayroon naman daw karapatan ang mga kababayan natin na gustong mag-air ng kanilang mga hinaing at issues.
Nangangamba lamang raw sila na baka mahaluan ito ng presenya ng makakaliwang grupo na banta umano sa seguridad sa araw ng inagurasyon.
Matatandaang sinabi kamakailan ng PNP na tiwala silang hindi na magbibigay ng permit ang Manila LGU sa mga raliyista para makapagsagawa ng rally sa inauguration day.(CLAY MARQUEZ)
#