Tiniyak ng Philippine National Police sa publiko na kontrolado nito ang sitwasyon sa Mindanao sa gitna ng mga pangyayari sa Afghanistan.
Sinabi ni PNP Police General Guillermo Eleazar na hindi papayagan ng pulis at militar na magkaroon ng spillover ng tensyon mula sa naturang bansa.
Dagdag niya, hindi nila hahayaan ang mga lokal na terorista na sabayan ang gulo sa Afghanistan.

Una nang sinabi ni Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research chief Rommel Banlaoi na posibleng ganahan ang mga local terrorist groups na maglunsad ng pag-atake sa Mindanao kasunod ng mga tensyon sa Afghanistan.
Matatandaan na nagdulot ng panic sa mga sibilyan ang pagpasok ng pwersa ng Taliban sa mga malalaking lungsod ng Afghanistan na dahilan para magtakbuhan ang mga tao sa airport sa pag-asa na makalalabas sila ng bansa.
Kilala ang Taliban sa draconian na uri ng pamumuno dahil sa mga marahas at malupit na polisiya nito mula 1996-2001 bago sila napatalsik ng US forces mula sa kapangyarihan.