Binatikos ni Kabataan party-list Representative Raoul Manuel ang umano’y double standard ng Philippine Naitonal Police (PNP) dahil sa pagtanggi nitong magpatupad ng posibleng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinutukoy ni Manuel ang pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na hindi magpapatupad ang PNP ng posibleng ICC warrant laban kay Duterte dahil sa isyu ng hurisdiksyon.
Ayon sa mambabatas, gigil na gigil ang kapulisan na mang-aresto kahit walang warrant na hawak mula sa korte pag ordinaryong tao ang nadadamay, maliban na lang kung loyal ang PNP sa mga nasa pwesto.
Sumang-ayon naman si House Deputy Minority Leader France Castro na dapat harapin ni Duterte ang pananagutan sa pagkamatay ng mga biktima sa War on Drugs nito, kabilang ang paglilitis sa harap ng ICC
Nauna nang sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na pumu-posisyon lamang ang PNP sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kuwestiyonable ang hurisdiksyon ng ICC sa mga pagkamatay sa drug war noong administrasyong Duterte.