Posibleng umanong isagawa ang pilot face-to-face classes sa Metro Manila sa oras na isailalim ang rehiyon sa Alert Level 2, kung saan mababa ang COVID-19 transmission at health care utilization.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang standard para sa mga lugar na makapagsagawa ng in-person classes ay kailangan mababa o minimal lang ang risk para sa COVID-19 para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at mga guro.
Sa ngayon, nasa 59 paaralan ang nakatakdang magsagawa ng pilot run ng face-to-face classes sa bansa, kung saan hindi pa kasama ang National Capital Region (NCR).

Sa gitna nito, nilinaw ni Vergeire na ang risk classification ay hindi kailangang maging community- o region-wide.
Kaugnay nito, maaring payagan ng gobyerno ang isang paaralan sa barangay o maliit na area na may mababang risk, kahit pa ang buong NCR ay nasa ilalim ng Alert Level 3 o mas mataas pa. //MHEL PACIA-TRINIDAD