Naging makulay ang pagtatapos ng makasaysayang 2020 Tokyo Olympics.
Sa closing ceremony pinasalamatan ni Tokyo Organizing Committee President Hashimoto Seiko ang lahat ng mga atleta at volunteers sa matagumpay na pagdaraos na event sa kabila ng banta ng COVID-19.
Idineklara naman ni IOC president Thomas Bach na ‘officially closed’ na ang Tokyo Olympics at kasunod nito isinagawa ang Olympic flag handover ceremony kung saan ipinasa ito ni Tokyo governor Yuriko Koike kay Paris mayor Anne Hidalgo.
Hudyat ito na sa susunod na tatlong taon, mananatili ang Olympic flag sa Paris bilang host ng 2024 Olympics.
Samantala nanguna ang United States sa medal tally sa lahat ng mga bansang kalahok matapos humakot ng 39 golds, 41 silver at 33 bronze.
Sinundan naman ito ng China na may 38 gold, 32 silver, at 18 bronze at pumangatlo ang host country na Japan nagtala ng 27 gold, 14 silver at 17 bronze.
Nagtapos naman sa ika-50 pwesto ang Pilipinas matapos ang makasaysayang Olympic run nito sa 1 gold, 2 silver, 1 bronze.