Hindi dapat maging dehado sa China ang Pilipinas sa planong ipagpatuloy ang pag-uusap sa joint exploration sa oil and gas sa West Philippine Sea.
Sa panayam, sinabi ni Sen. JV Ejercito na nahihirapan siyang magtiwala sa gobyerno ng China at hiniling na magpakita muna ng sinseridad sa pagresolba sa maritime dispute sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Ejercito na mahirap tanggapin ang salita ng China dahil hindi ito nagpakita ng paggalang sa soberanya at integridad ng teritoryo ng Pilipinas.

Naalala niya ang ginawa ng China sa WPS kabilang ang insidente noong November 2022 kung saan puwersahang kinuha ng isang Chinese Coast Guard vessel ang pinaghihinalaang mga rocket debris na nakuha ng mga tauhan ng Philippine Navy na sakay ng isang rubber boat.
Una nang inaprubahan ng senado noong Disyembre ang isang resolusyon na tumutuligsa sa iligal at walang kabuluhang incursions at panghihimasok ng China sa karagatang sakop ng bansa.//CA