Pumwesto ang Pilipinas sa 102nd spot mula sa 139 na bansa na kasali sa 2021 Rule of Law Index.
Sinabi ng global think tank na World Justice Project na gumawa sa nasabing listahan, na naitala ng Pilipinas ang overall score na 0.46 para sa rule of law.

Itinuturing ng WJP ang 1 bilang pinakamataas na marka habang 0 naman ang pinakamababa.
Ipinunto rin ng WJP sa ulat nito na tatlong beses na mas mababa ang ranggo ngayon ng Pilipinas kumpara noong 2020.
Mababatid na ibinase ang WJP Rule of Law Index sa national surveys nito sa mahigit 138,000 households at 4,200 legal practitioners at experts para sukatin ang rule of law na nararanasan at nakikita sa buong mundo.
Kasama sa mga bagay na pinagbatayan ng ebalwasyon ng ng WJP sa index ay ang korapsyon, kapangyarihan ng gobyerno, seguridad sa bansa.
Pagdating sa accountability at limitasyon sa kapangyarihan ng gobyerno ay naitala ng Pilipinas ang score na 0.48 at ranggo na 85 mula sa 139 na bansa.
Para naman sa absence of corruption ay tumanggap ang bansa ng 0.44 na score at ranggo na 77 mula sa 139 na bansa.
Sinuri sa nasabing kategorya ang bribery, maling impluwensya ng public at private interests, at misappropriation ng public funds.
Nakakuha naman ng 0.63 na marka ang Pilipinas at pumwesto sa 110th spot sa order and security, kung saan ay na-evaluate ang katiyakan sa seguridad ng mga tao at sa mga ari-arian.