CAMARINES NORTE – Umapela ang Provincial Health Office (PHO) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na tutukan ang implementasyon ng pinaiiral na COVID- 19 protocols sa lalawigan ng Camarines Norte.
Sa isinagawang Operational period briefing ng Provincial Incident Management Team nitong Miyerkules sinabi ni acting Provincial Health Officer at Incident Commander for Health Dr. Arnel Francisco na malaki ang magagawa ng mga Local Government Units na nasa ilalim ng supervision ng DILG sa pagpapatupad ng minimum health standards lalo na ang mga opisyal ng barangay.
Aniya kapuna- puna ang mga bata at senior citizens na lumalabas ng kanilang mga tahanan.
Sa pinakabagong issuance ng IMT hindi pinapayagang lumabas ng bahay ang 14 na taong gulang pababa at 66 anyos pataas maliban kung medical at health emergency.
Pakiusap ni Francisco na tulungan ang PHO at mga Municipal Health Office sa implementasyon ng mga panuntunan kontra COVID- 19.
Binigyang diin din nito na sa panahong ito aniya ay may responsibilidad ang lahat na pangalagaan hindi lang ang sarili kundi pati buhay ng iba.
Muli ring inulit ni Francisco na malapit nang makamit ng probinsiya ang 100 % coverage na bakuna para sa mga A1 o ang workers in frontline service.

