CAMARINES NORTE- Target ng Provincial Health Office sa Camarines Norte na mabakunahan kontra COVID- 19 ang nasa 97, 638 na mga batang edad 5- 11 taong gulang.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco sinabi nito na sa ngayon ay naghihintay na lang ang PHO ng delivery ng mga bakuna na gagamitin sa naturang age group.
Hindi pa masabi sa ngayon ni Francisco kung kailan darating ang mga bakunang gagamitin pero ang tiyak lang umano ay mayroong allocation ang lalawigan.
“Actually kami po ay nag -aantay rin ng delivery of the vaccine para dun sa age 5 up to 11 years old at kahapon sabi ko nga sayo tenex ako na may ide- deliver pero yung date kung kailan, hindi pa nila alam kung kailan at wala naman sila sinasabi sa akin kung kami ang kukuha dun sa region at di nga namin alam kung meron nga talaga dun sa region na suplay, kasi meron naman tayong sasakyan para kumuha ng bakuna if ever na yun ang problema,” ani Francisco.
Tulad ng inaasahan pinakamarami ang babakunahan sa bayan ng Daet na mayroong 17, 000 habang pinakakaunti naman sa San Lorenzo Ruiz na mayroong 2, 353.
Ani Francisco, hindi sila makapag strategized hanggang hindi dumarating ang mga bakuna dahil mayroong mga paghahandang kinakailangang gawin.
Dapat din aniyang kasama ang mga magulang sa vaccination area at ibang timpla ng bakuna ang gagamitin sa mga batang edad 5- 11 kumpara sa 12- 17 pero parehong Pfizer brand.
“Kaya inaantay namin po yung suplay para kami makapag strategy, kasi yung iba diyan ay kailangan namin sa hospital po ang bakunahan yung may mga comorbidity yung may mga sakit kailangan samahan sila ng kanilang mga parents o guardians para dalhin sa mga hospital katulad dito sa atin sa Provincial Hospital tulad, dun sa mga private hospital.”
