CAMARINES NORTE- Nilinaw ng Provincial Health Office na hindi kailangang umulit o mag back to zero sa primary doses ng COVID- 19 vaccine kahit natagalan ang pagitan ng pagbabakuna ng booster shot.
Ito ang inihayag ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.
Paliwanag ni Francisco na mayroong mga pagitan sa pagtuturok ng bakuna dahil sa loob ng tatlong buwan ay nagkakaroon ng waning o bumababa ang effectivity nito sa katawan pero hindi kailangang umulit sa umpisa.
“Hindi po, ang sinasabi lang po, ang sinasabi naming first dose 3 months after, 2nd dose 3 months after, first booster 3 months after, 2nd booster 3 months after, ibig sabihin yung mga 3 months after , yun lang po yung pagitan na pwede kang bakunahan kasi simula ng 3 months na yan ay nag wi- wane down, ibig sabihin, bumababa ang effectivity ng bakuna sa katawan mo kaya kailangan kang bigyan uli, pero pag sumobra kana man diyan, it doesn’t mean na uulit ka sa umpisa, tuloy- tuloy lang po yung pagbabakuna sainyo ng booster po,” ani Francisco.
Sa ngayon ay mababa pa ang bilang ng mga nagpapa booster sa Camarines Norte kaya patuloy ang panghihikayat ng PHO at ng Department of Health na magpabakuna na ng booster shot.
Sa datos ng Provincial COVID- 19 vaccination operation center sa pagtatapos ng Hunyo nasa 6. 77 percent pa lang ang nababakunahan ng booster shot.
