CAMARINES NORTE- Nagpaalala ang Provincial Health Office hinggil sa mga posibleng sakit ngayong panahon ng tag- init.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco kailangang maging maingat ang bawat isa upang maiwasan ang pagkakasakit lalo na sa paliligo sa dagat, ilog at swimming pool.
Aniya, ilan lamang sa mga sakit ngayong tag init na dapat paghandaan ay ang sore eyes, upper respiratory tract infections, Gastroenteritis o pagtatae at pagsusuka.
Upang maiwasan ito ay kailangang siguruhin na maligo sa malinis na tubig at maayos sa paghahanda ng pagkain.
Importanteng ilagay sa tamang lalagyan ang mga nilutong pagkain upang hindi mapanis na posibleng maging dahilan pa ng diarrhea.
“Ang mga sakit na kailangan niyong paghandaan tulad ng sore eyes, tulad ng mga upper respiratory tract infection at yung madalas dahil dun kayo kumakain, dun kayo naliligo, dun umiihi kung ano- anong ginagawa doon yun po yung gastroenteritis yung diarrhea o pagtatae,” ani Francisco.
“Yung mga pagkain natin dapat malinis din ano, ilagay sa tamang lalagyanan para hindi mapanis at di kayo magkaroon ng acute gastroenteritis o pagtatae ano, or yung iba nga nagsusuka, yung iba naman niyan, pamumula ng kanilang mga mata sapagkat nagkaroon ng virus infection doon sa paliguan po.”
Huwag din sana aniyang kalimutan ang pagsunod sa health protocols dahil nasa panahon pa tayo ng pandemya.
Ilan pa sa mga posibleng makuha dahil sa init ay ang fungal infections tulad ng hadhad, buni, at an-an.
Maaari ding makakuha ng mga “butlig na may puting laman na parang bigas.”
Tulad ng bulutong o chicken pox, lubhang nakahahawa ang kondisyong ito ayon naman sa mga dermatologist.
Para maiwasan ang mga ito, ipinapayo na ugaliin ang paliligo dahil sa pawis dumidikit ang mga mikrobyo.
