CAMARINES NORTE- Muling kinalampag ng Provincial Health Office (PHO) ang mga Local Government Units sa lalawigan ng Camarines Norte hinggil sa kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na isolation facility.
Sa harap na rin ito ng paghahanda ng lalawigan sa banta ng COVID- 19 Delta variant.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na napag usapan nila ang bagay na ito sa isinagawang Operational Period Briefing kahapon kung saan presente rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Aniya, hanggang ngayon ay tila hindi pa rin nasosolusyunan ang problema sa mga isolation facility.
“Yun ang isa naming gusto sanang ipahatid sa ating mga Mayors and Barangay officials na talagang dapat ayusin, i- maintain ang kanilang mga isolation facility para naman itong ating mga constituent na magkakaroon ng COVID ay maganda ang kanilang o komportable ang kanilang pagpasok doon sa kanilang mga isolation hindi tulad ng yung mga nirereport sa atin na hindi raw kanais- nais,” ani Francisco.

Binigyang diin ni Francisco na importante ang pagkakaroon ng maayos na isolation facility lalo’t hindi umano hinihimok ang home quarantine.
Mahirap daw kasing kontrolin ang galaw ng tao kung wala sa isolation facility.
“Hindi namin ito ini- encourage sapagkat mahirap po kapag nasa bahay at wala pong surveillance, wala pong monitoring at mahirap po talagang pigilan kung ang pasyente ay lalabas sa kanilang bahay at makihalubilo pa doon sa mga negative patients natin.”
At dahil na rin sa banta ng mas mabagsik na variant ng COVID- 19 mas maghihigpit aniya ang Provincial Incident Management Team sa pagbabantay ng borders.
“Maghihigpit kami dun sa pagpasok ng mga taga Maynila at the same time yung galing sa Legazpi at Naga.”

