Nagbigay-paliwanag ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) tungkol sa halos sunud-sunod na rockfall events at mga volcanic earthquakes na naitatala sa bulkang Mayon mula nang mag-umpisa ang taong 2023.
Sinabi ni Dr. Paul Karson Alanis, resident volcanologist ng PHIVOLCS, sa panayam ng Brigada News FM Legazpi na ang mga naitalang rockfall events noong mga nagdaang araw ay dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa lalawigan.
Aniya, isa pa rito ay dahil sa patuloy na paglaki ng lava dome ng bulkan at ang pagiging ‘unstable’ nito na siya ring dahilan kung bakit hindi pa ibinababa sa alert level 1 ang status nito mula sa alert level 2.
Sa volcanic earthquakes naman, inihayag ni Alanis na ito ay nasa normal pagdating umano sa seismicity, dahil ang normal para sa isang aktibong bulkan tulad ng Mayon ay limang volcanic earthquakes kada araw – kaugnay ito ng naitalang apat na mga pagyanig noong Enero 6.
Sa ngayon ay nakataas pa rin sa alert level 2 status ang bulkan at wala pa namang nakikitang indikasyon ang PHIVOLCS na itaas ang status nito.