Tuloy na ang nakatakdang umento sa kontribusyon ng mga miyembro ng state insurer na PhilHealth sa susunod na buwan.
Ito ay makaraang ma-postpone ang contribution hike na unang itinakda noong nakaraang taon.
Sinabi ni PhilHealth Senior Manager Rex Paul Recoter na magkakaroon na ng 4% na premium ang mga PhilHealth Members.
Ibig sabihin, ang mga miyembrong mayrong sinasahod na P10,000 kada buwan ay magkakaroon ng P400 na premium monthly – o P4,800 annually; habang ang may mga salary na pasok sa ceiling na P80,000 ay mayroong P3,200 na premium o P38,400 annual contribution.

Para sa mga ‘direct contributor’ na una nang nakapagbayad na ng premium pero 3% pa lamang, kinakailangan pa ring ihabol ang 1% na diperensya bago matapos ang taon.
Paliwang niya, hindi pa nakapagpasa ng bagong batas para sa deferment ng nakatakdang adjustment alinsunod sa Universal Health Care Act.
Sa ngayon, mayroon nang mga nakabinbing panukala para sa suspension ng umento sa contribution. Sa Kamara, aprubado na ang hike suspension; ngunit pending pa rin ang bersyon nito sa Senado.
#