LEGAZPI CITY – Pinayagan nang magbigay ng bakuna ang mga pharmacist ng Mercury Drug sa kauna-unahang COVID-19 “Bakuna sa Botika” sa Bicol na nagsimula noong Marso 15, 2022.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay District Manager of Mercury Drug for Albay, Sorsogon, Masbate, and Catanduanes Henry Gonzales, sinabi niyang sa ngayon, dalawa pa lamang na pharmacists ang maaring magbakuna sa nasabing branch, isa ay mula sa Legazpi at isa naman mula sa Naga.
Aniya, sasailalim muna sa training ang iba pa nilang pharmacists bago ang posibleng pagbubukas sa ibang branches na isa sa kanilang proyekto kasama ang Department of Health (DOH).
Dagdag pa niya, 16 na pharmacists ang kasama sa listahan ng mga sasailalim sa special training para sa vaccination na aabot sa dalawang linggo.
Ang nasabing karagdagang vaccination site ay bukas tuwing Martes at Huwebes na matatagpuan sa Mercury Drugstore, Washington Drive, Legazpi City.