PH rowers, manghihiram lang ng boats sa SEA Games

Nananatiling kampante ang Philippine rowing team na magiging maganda parin ang kanilang performance sa 31st Hanoi Southeast Asian Games sa kabila na sasabak sa race na hiniram lang ang gagamiting banka.

Ayon kay Philippine Rowing Association president Patrick Gregorio, nasa high spirit ang mga Filipino paddlers at susubukang pantayan kung hindi man mahihigitan ang tatlong golds na kanilang napanalunan sa biennial meet, tatlong taon na ang nakakaraan nang maghost ang Pilipinas.

Sinasabing hindi nakapagdala ang mga Filipino rowers ng sariling banka sa Vietnamese province ng Bac Ninh, halos dalawang oras mula sa Hanoi, dahil umano sa logistical issue.

Pero ayon kay Gregorio, noong nakaraang buwan pa sila inabisuhan ng Philippine Sports Commission, na hindi madadala ng logistics provider ang banka dahil sa container van ito isasakay.

Ang rowing ay itinakda sa May 9 hanggang 14 sa Thuy Nguyen Boat Racing Center. //MHEL PACIA-TRINIDAD