Hinimok ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang mga lokal na pamahalaan sa probinsya na ipatupad ang pinagtibay na resolution no. 2021-14-04 ng Sangguniang Panlalawigan na i-require ang RT-PCR test sa mga papasok sa kanilang nasasakupan na galing sa labas ng probinsya.
Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, ang Isabela Provincial Information Officer, bagaman wala pa aniya silang natatanggap na kopya ng resolution o EO mula sa mga Local Chief Executives ay mayroon ng ilang LGU ang nagpatupad nito.
Sa katunayan aniya bago pa ang adoption ng naturang resolution ay mayroon ng mga lokal na pamahalaan na nire-require ang antigen test sa kanilang mga border checkpoints.
Nilinaw naman ni Atty. Binag na batay sa resolution, pangunahing isasailalim ang mga LSI at ROFs sa naturang test kabilang din dito ang mga balak nang mamalagi sa pupuntahang munisipalidad o syudad.
Habang hindi na aniya sasailalim ang mga passing thru lamang.
Layunin ng naturang hakbang na makontrol ang lalo pang paglaganap at maibaba ang surge ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Samantala, sinabi pa ni Atty. Binag na bumababa na ang trend ng mga naitatalang kaso kung saan wala nang mga lugar sa Isabela na kabilang sa high risk epidemic classification.