CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Civil Service Commission (CSC) na hindi basta- basta matatanggal sa trabaho ang mga permanent government employee sa gitna ng transition period dahil sa Mandanas law.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Camarines Norte CSC Acting Director II Atty. Alicia Salinas na mayroong guidelines na ipinalabas ang ahensiya kung saan nakapaloob ang mga option sa maaapektuhang empleado.
Paliwanag ni Salinas na sa ilalim ng Memorandum Circular No 5 series of 2022 mayroong tatlong option ang mga empleadong maapektuhan ng devolution ng mga function na ibibigay sa LGU mula sa National government.
Pwede umanong lumipat ang maapektuhang empleado sa ibang departamento ng parehong ahensiya kung saan siya kasalukuyang nagtatrabaho.
Maaari din aniyang lumipat sa ibang department ang empleado sa ilalim ng Executive Branch o kaya ay mag- avail ng retirement of separation benefits pero depende kung maka- qualify sa existing guidelines ng GSIS.
Kailangang magsumite sa CSC ang mga ahensiya ng gobyerno ng listahan ng mga permanent personnel na maapektuhan ng full devolution.
“Yung mga holding permanent appointment, talagang may security of tenure yan hindi naman talaga pwedeng basta- basta lang, dahil wala na yung posisyon diyan sa agency ay tatanggalin ka niya that’s why may mga ganitong option, kailangan makapag transfer ka either within the same agency or other ano, government agencies,” ani Salinas.
