Batangas City – Handang-handa na ang isang pencak silat player, na mula sa Morong National Senior Highschool sa Baras, Rizal para sa nalalapit niyang laban sa Palarong Pambansa.
Siya ay si Ken Russel Tojino, at itinanghal bilang kampyon ng Pencak Silat sa nagdaang CALABARZON Regional Athletic Association Meet 2024.
Sa panayam ng Brigada Batangas kay Ken, sinabi nito na hindi naging madali ang kaniyang mga laban dahil hindi palaging panalo, mayroon aniyang pagkakataon na natatalo siya.
Ngunit hindi raw ito naging hadlang upang patuloy siyang magsumikap na mag-ensayo, kaya laking tuwa raw niya nang makuha ang gintong medalya sa nagdaang RAAM.
Pamilya at ang kasintahan ang nagsisilbing inspirasyon at nagbibigay kay Ken ng lakas ng loob sa tuwing nakakaranas ng hirap sa pag-eensayo.
Lubos naman ang pasasalamat ni Ken sa kaniyang coach na si Jaimie Geronimo, dahil sa patuloy na paggabay at tulong na ibinibigay nito sa kaniya.
Mensahe naman ni Ken sa ibang kabataan na magpursige, na maging mapagkumbaba sa lahat ng bagay upang magtagumpay.
Sa ngayon ay naghihintay na lamang si Ken para sa Palarong Pambansa at doon patutunayan niya na karapat dapat siya sa gintong medalya.