Peace talks – pinababalik

Hinamon ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro si Pangulong Bongbong Marcos na buhayin muli ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng grupo.

Ayon kay Castro, nais niyang pormal na buksan ni Pangulong Marcos sa ikatlong State of the Nation Address o SONA ang peace negotiations sa National Democratic Front of the Philippines at tugunan ang ugat ng kahirapan.

Sa nakalipas kasi aniya na dalawang taon ay pinagtatakpan ng gobyerno ang lumalalang krisis sa kahirapan at tila pagyuko sa Estados Unidos.

Read More:  Senate to convene as impeachment court vs VP Sara Duterte on May 18

Paliwanag ng kongresista, mahalaga ang peace talks sa pagresolba sa puno’t dulo ng hidwaan at kahirapan lalo’t taong 1992 pa lang ay umuusad na ang mga kasunduan.

Lalagda na sana umano ang gobyerno at ang NDFP panels sa mahalagang components ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reform ngunit kinansela ito ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ng Nobyembre taong 2017.

Read More:  Ombudsman suspends Senate Sgt.-at-Arms Aplasca

Kasabay nito, nanawagan si Castro sa pangulo na gamitin ang darating na SONA bilang oportunidad na ikumpas ang pagsusulong ng mapayapang resolusyon, makabuluhang socio-economic reforms at pagpapabuti sa sektor ng edukasyon.

Samantala, kabilang naman sa iminumungkahi nito na ipatupad ng administrasyon ang paglalaan ng 6 percent ng gross domestic product sa edukasyon upang solusyunan ang backlogs, baguhin ang K to 12 Curriculum, itaas ang suweldo ng teachers at support personnel at mag-hire ng sapat na personnel at gawing regular ang mga contractual na guro.