Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na manatili pansamantala ang alert level system na umiiral sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ito ay habang binubuo ang bagong alert level classifications na inaasahang matatapos sa kalagitnaan ng Agosto.
Nais kasi ni Pangulong Marcos na magkaroon ng panibagong alert level system na akma sa bago ngunit mas mahinang strain ng COVID-19 virus sa mga pasyente.
Dagdag pa ng Presidente na ang antas ng alerto ay maaaring maisaayos o mapabuti kung makuha ng mga tao ang kanilang mga booster shot.
Naniniwala si DOH Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang buwan ng Agosto ang angkop na panahon para magluwag upang pawiin ang pangamba ng medical community at bigyan sila ng oras upang gawing mas manageable ang mga kaso ng COVID-19.
Inihayag din ni Vergeire na plano nilang i-streamline ang mga IATF meetings at mga proseso na mayroong malinaw na direktiba para sa ligtas na pagbubukas ng ekonomiya gamit ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) platform.
