PBA naghihintay na lang sa approval ng IATF para buksan ang 46th season

Inanunsyo ni PBA commissioner Willie Marcial na nasa kamay na ng IATF ang bola para masimulan na ang 46th season ng liga Ynares Sports Arena sa Pasig at sa Ynares Center sa Antipolo.

Ayon kay Marcial, umaasa siyang maibibigay na ng gobyerno ang go-signal nito para masimulan na ang panibagong season ngayong buwan.

Una nang pinayagan ng IATF ang PBA na magsagawa ng 5×5 scrimmages sa NCR Plus sa ilalim ng bubble conditions ng GCQ with some restrictions.

Ipinasa ni Marcial ang proposal nito para sa pagsisimula ng season 46 sa Technical Working Group na binubuo ng tinatayang nasa 40 ahensya ng gobyerno sa isang pagpupulong kahapon.

Isusumite naman ng TWG ang rekomendasyon nito sa IATF.

Sakaling magsimula ang season sa July, ay magsisilbi na ito para sa dalawang conferences na nakatakdang magtapos sa January sa susunod na taon.

Ibinahagi naman ni Marcial na closed-circuit system ang proposal ng PBA kung saan ay wala itong magiging audience habang minimum lamang ang bilang ng mga personnel na makakapasok sa venue.

Samantala, plano naman ni Marcial na mag-courtesy call kay Pasig City Mayor Vico Sotto bago ang muling pagsisimula ng mga laro.