Labag sa Anti-Epal Act of 2019, ito ang binanggit na dahilan ni Pangpang Barangay Captain Bert Balde kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nairerelease ang nasa 100 mga house plates na ipinagawa ng nasabing barangay noon pang taong 2018.
Ayon dito, gustuhin man niyang ipamahagi na ang nasabing mga plates subalit hindi umano puwede dahil salungat ito sa nakasaad sa nasabing batas.
Partikular na tinukoy ng opisyal ang mga pangalan ng bumubuo ng konseho ng barangay na nakalagay sa nasabing mga plate.
Gayunpaman, binigyang diin ni Balde na hindi masasayang ang mga ito at kanilang ipapamahagi sa kondisyon na aalisin ang mga pangalan ng mga opisyales ng barangay at papalitan ang mga nakalagay ditong hotline number ng mga goverment agencies upang maging updated batay na rin sa direktiba ng DILG subalit tinututulan ng ilan.
Dahilan ng mga ito, nais umano nilang mapreserba kung ano man ang orihinal na nakalagay sa mga ito bilang legasiya ng kanilang dating Punong Barangay. Kung matatandaan ang nasabing mga houseplate ay proyekto sa ilalim ng administrasyon ng pumanaw na Kapitan ng barangay na siya namang pinalitan ni Balde.
