LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Education (DEPED) Bicol na magpapatuloy pa rin ang pasok ng mga mag-aaral sa lalawigan ng Albay kahit pa nasa gitna ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa isang press briefing kasama si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. inihayag ni DEPED Bicol Regional Director Gilbert Sadsad na mayroon na silang inihandang iskema o scheme upang hindi matengga ang mga mag-aaral nang walang ginagawa sa loob ng evacuation centers.
Hindi naman kasi maaaring itigil ang kanilang pag-aaral dahil posibleng malayo pa ang aabutin ng evacuation, subalit mahirap lalo pa’t ilan sa mga paaaralan sa lalawigan ay ginamit upang maging pansamantalang tahanan.
Ayon kay Sadsad, sa isang evacuation center, gagamitin ng original occupants ang silid-aralan sa umaga upang isagawa ang klase, habang sa hapon naman ay gagamitin ito ng mga mag-aaral na evacuees.
Aniya, ang iba naman ay inilipat nila sa modular distance learning.
Pagsapit naman ng bakasyon sa Hulyo, magkakaroon ang ahensya ng learning camp na magbibigay ng interbensyon at enrichment activities para sa mga bata sa evacuation centers.
Dagdag pa ni Sadsad, ang kanilang central office ay kukuha ng mga trapal na bigay ng UNICEF na magsisilbing temporary learning shelter at ilalagay sa mga evacuation centers upang magamit sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga bata.
Samantala, sinang-ayunan naman ni Pangulong Marcos ang hakbang na ito ng DEPED Bicol at aniya, kailangan na habang nasa evacuation centers ang mga bata ay mayroon pa rin silang mga ginagawa. Kung mananatili lamang kasi sila na walang pinagkakaabalahan, maaari pa silang madapuan ng sakit.