Inamin ni Piolo Pascual, na tinaguriang “ultimate heartthrob” sa showbiz, na ilang taon na siyang walang karelasyon at kahit naka-fling man lang.
Binuksan ng aktor ang tungkol sa kanyang dating life sa panayam sa kanya ng talent manager na si Ogie Diaz.
Ayon kay Papa P, wala siyang panahon sa pakikipag relasyon ngayon at itinuturing din daw niya na ang trabaho ang kanyang asawa sa kasalukuyan.

“Wala eh, hindi talaga. I’m the kind of person na hindi makakali so lumaki ako, sabi ng pastor sa akin: ‘Mahirap ‘yan ‘pag nawili ka na mag-isa ka lang. Kapag nawili ka na wala kang kasama, baka masanay ka at hindi mo hanapin’—and I think that’s what happened.” sabi ni Papa P.
Gayunpaman, hindi naman umano niya isinasara ang kanyang isip at puso sa pagkakaroon ng sariling pamilya.
Bukas daw siya sa pagkakaroon ng isa pang anak pagdating ng panahon.
“Tumanda man ako, pwede pa rin akong magkaanak. It’s just that for now, this (work) is my priority and I feel na ang dami ko pang pwedeng gawin, ang dami ko pang gustong gawin na sana magawa ko before I settle down. So even if time is against me, I know na darating at darating yun if it’s for me.”//CA