Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang 65th Anniversary ng Social Security System (SSS) na isinagawa sa SSS Building sa East Avenue, Quezon City.
Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay ‘Kontribusyong Pinag-ipunan, Proteksyong Maaasahan,’ na naglalayong pagyamanin ang mas magandang kinabukasan sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa trabaho, pag-iipon, pamumuhunan at pag-unlad.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos binigyan-diin nito ang ginagawang hakbang sa kanyang adminitrasyon para tulungan ang mga mahihirap na sektor para maging magaan ang paghulog nito sa SSS.
Kabilang dito ayon kay Marcos ang mga magsasaka at mga mangingisda.
Naniniwala ang Pangulo na malaking tulong din ang ‘contribution penalty condonation program’ ng SSS sa mga business at household employers lalo na ngayong may krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Itinatag noong 1 Setyembre 1957 sa pamamagitan ng Social Security Act of 1954, ang SSS ay nilikha upang magsilbi bilang isang financial institution ng gobyerno na nagbibigay ng social security protection sa lahat ng manggagawang Pilipino.
