Hinimok ng mga kongresista si Pangulong Bongbong Marcos na bumuo ng cabinet cluster for education.
Base ito sa inihaing House Concurrent Resolution Number 28 sa pangunguna ng mga miyembro ng EDCOM 2.
Sinabi ni EDCOM 2 Co-Chairman at Pasig City Representative Roman Romulo na mahalaga ang pinaigting na oversight sa lahat ng ahensyang may kinalaman sa edukasyon upang masiguro ang cohesive at coherent na implementasyon ng batas, polisiya at reporma.
Kasama rin ang paglalatag ng long-term integrated national education and workforce development plan.
Sa pamamagitan ng cabinet cluster ay inaasahan anilang epektibong matutugunan ang learning crisis sa bansa at maipatutupad nang tama ang mga reporma sa education sector.
Ipinaliwanag ni Romulo na tatlong dekada na ang nakakalipas mula nang isagawa ang trifocalization ng education system at ang komprehensibong national assessment sa performance ng sektor ay binibigyang-diin ang critical areas ng koordinasyon.
Bilang mga mambabatas ay marapat lamang aniya na siguruhin ang de kalidad na edukasyon para sa mga Pilipinong mag-aaral at isang learning environment na isinusulong ang pagkakaroon ng produktibong mga indibidwal.
Mababatid na hinati ang education system sa basic, higher at technical education na siyang tinututukan ng DepEd, CHED at TESDA.