SORSOGON CITY – Hangad ng lokal na sangay ng Provincial Environment and Natural Resources Office PENRO na makapagtayo ng permanenteng opisina sa bayan ng Irosin, lalawigan ng Sorsogon.
Ito ang naging saloobin ng pamunuan matapos mapasinayaan ang ikalawang satellite office ng ahensya sa nasabing bayan.
Sa panayam kay Tito Migo ng PENRO office sinabi nito sa Brigada News FM na ito umano ang pangalawang satellite office sa lalawigan. Nauna dito ay ang kanilang opisina sa Pilar.
Pinayagan ng LGU Irosin na gamitin ng ahensya bilang pansamantalang opisina ang bago nitong pasilidad sa loob ng maituturing nang provincial center sa INACT compound sa Brgy. San Pedro.
Bago pa ito, nagawaran na ang ahensya ng lagpas sa 200 square meters na lote at naghihitay na lamang umano ng pondo para mapasimulan ang pagtatayo ng sarili nitong gusali na magiging permanenteng opisina.
Sa ngayon, maituturing na fully functional na rin ang nabuksang temporary satellite office, kung saan makatatanggap hindi lang ang mga taga-Irosin kundi pati na rin ang mga kalapit bayan ng kaparehong serbisyo ng ahensya.
Hindi na umano kinakailangan pang lumuwas sa Sorsogon City para magproseso ng kinakailangang permit mula sa ahensya.
