CAMARINES NORTE- Tumulak na nitong Lunes ng hapon ang pamilya ng dalawang nawawalang mangingisda mula sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte patungo sa bayan ng Dilasag, Aurora kung saan napaulat na natagpuang wala nang buhay ang dalawa.
Ito ay matapos na makumpirma ng Philippine Coast Guard ang impormasyon na ipinaabot sa kanilang opisina kahapon ng umaga.
Ayon kay Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, Acting Public Information Officer ng Coast Guard Station Camarines Norte alas tres ng hapon tumulak ang pamilya ng mga mangingisda sakay ng ambulansya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)- Mercedes.
Nagtugma umano ang description ng bangka at ang suot na damit ng mga biktimang nakilalang sina Anecito Jerbon 50, at Jaypee Fajardo 39 na pawang mga residente ng Barangay San Roque sa naturang bayan.
Matatandaan na tumaob ang sinasakyang bangka ng mga biktima isang linggo na ang nakakalipas sa karagatang sakop ng Jomalig, Quezon sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Florita at nagpalutang- lutang ang mga ito ng ilang araw sa dagat sa pamamagitan lang ng pagkapit sa katig ng bangka bago na- rescue ang isa sa tatlong sakay nito.
Naireport ang pangyayari noon lang nakatalikod na Biyernes ng gabi sa PCG at kinaumagahan naman sa PNP.
Kwento ng nakaligtas na mangingisda na si Mark Anthony Ortiz 26, sa mga awtoridad noon pa lamang umanong Agosto 24 ay namatay na ang dalawa kaya itinali na lang nito sa katig ng bangka ang mga kasamahan para hindi lumubog at mas madaling matagpuan.
Mababatid na tutulak na lang sana ang team ng PCG kahapon ng umaga para sa Search and Retrieval operation pero hindi na ito natuloy makaraang makumpirma ang impormasyong natagpuan na ang mga ito.
